
[TRANSCRIPT OF INTERVIEW] Senator Risa Hontiveros with Ted Failon and DJ Chacha on True FM
May 7, 2025
[TRANSCRIPT OF INTERVIEW] Senator Risa Hontiveros with Ted Failon and DJ Chacha on True FM
Q: Kasama natin sa linya si Sen. Risa Hontiveros. Magandang umaga po, Senadora.
Senator Risa Hontiveros (SRH): Magandang umaga rin po sa inyo at sa lahat po natin mga tagapanood at tagapakinig.
Q: Thank you po, Senator for being with us today. Senator unahin po muna natin itong issue na ito, ito pong Senate investigation na gusto nyo pong mangyari. Dahil nga dito sa mga problema at iregularidad dun po sa joint venture agreement na mayroon po ang PrimeWater, maging yung ilang private companies. Ano pong nag-udyok sa inyo para magkaroon ng ganitong pagdinig?
SRH: Matagal na po at marami-rami na rin po ang nag-udyok. Actually, ilang taon na kahit bago ng pandemic na namumuo ito. Kaya finile ko na yung Senate Resolution No. 1352 para nga maimbestigahan yung 'di umanong mga disadvantageous provisions. At yun, ayon sa Commission on Audit, sa ilang mga joint venture agreements sa ilalim ng public-private partnership nitong mga water concessionaires, PrimeWater, Manila Water, na siningil ko na rin noong 2019, at saka Metro Pacific Water.
Ano bang mga reklamo itong umabot na sa opisina ko at nasubaybayan din po namin sa inyo sa media at pati sa social media, iyong kulang ang supply sa tubig. Kapag may tubig, mababang kalidad. Marumi, mabaho, bukod sa kulang. At sa kabila nitong lahat, tumataas pa ang bill na sinisingil. So may mga nag-rereklamo halimbawa sa Bulacan na umaabot sa P1,000 sa isang buwan ang bill nila sa kabila ng masamang serbisyo.
Ang public-private partnerships po, may PPP Center na nagre-regulate niyan. Sa ilalim po nitong mga PPP nabuo yung joint venture agreements, wala pang guidelines para tugunan itong mga issue ng ating mga kababayan na 'di umano customer o dapat siniserbisyuhan nitong mga joint venture agreements sa tubig. Kahit sa paraan ng renegotiation, wala pang guidelines. So, kailangan din repormahin yung ating PPP system.
Nabanggit ko kanina na maraming taon nang namumuo yung mga problemang ito at sa maraming area. Pumapasok po itong mga balita at reklamo mula sa Central Luzon, halimbawa Bulacan, pati Tarlac, hanggang sa Southern Tagalog, Tagaytay, iba pang area. Umaabot pa nga sa ilang parte ng Visayas. So ito po'y matagal nang problema sa marami nang area sa ating bansa ng dumadaming mga customer nitong mga water concessionaires.
At napansin na rin po ng Commission on Audit sa ilang mga ulat nila na yung 'di umano ngang mga disadvantageous JVA. So panahon na po para imbestigahan ng Senado upang sa pamamagitan ng aming mga findings at lalong-lalo na sa pamamagitan ng aming mga rekomendasyon, mailagay sa ayos yung serbisyong tubig sa ating mga kababayan na mga customer nitong mga water concessionaires.
At huwag po natin kalimutan, kailangan din pong singilin yung mga oversight bodies na dapat nagbabantay sa ngalan ng gobyerno, alang-alang sa ating mga kababayan tungkol dito sa water service. So nandyan po yung Local Water Utilities Administration at iba pa.
Q: Meron din po kayong binabanggit dito po sa inyong resolusyon, yung diminished financial standing, nakalagay po dito, ng ilang water districts post-JVA. Pwede niyo po bang ipaliwanag, Senadora, sa mas simpleng salita po para mas maintindihan nito mga nakikinig at nanonood sa atin, kung papaano nalulugi at nalalagay po sa alanganin yung mga distrito na ito.
SRH: Yun po yung isang importanteng finding mismo ng COA na at least doon sa isang water district na pumasok sa JVA sa private water concessionaire ay sa halip na patuloy na guminhawa yung kanilang financial standing, dahil itong water district na ito dati ay kumikita, nagiging sustainable na water district sa kanyang mga constituents o kanyang mga customer. Ang irony, pagkatapos pumasok sa joint venture agreement sa private concessionaire, sa ilalim nga ng isang public-private partnership, ang irony ay kahit yung water concessionaire ay kumita at kumita ng malaki, yung water district ay nalulugi. So, eh kasi pag PPP, pag public-private partnership, dapat partnership, pati sa pag-ginhawa. So dapat hindi lang yung private partner ang sustainable at kumikita, dapat din yung public partner, yung gobyerno. Eh hindi yun ang nangyayari. Kaya't siguro din, sobrang kapansin-pansin sa COA.
Q: Senadora, positibo po ang naging komento ng mga sineserbisyuhan ng mga nabanggit nyo pong mga water companies. Pero paano ba natin masisiguro na after this hearing, meron po talagang mangyayari at hindi tayo matatapos sa pagdinig lang?
SRH: Well, lagi namin sinasabi sa Senado, ang anumang inquiry ay in aid of legislation. So ngayon pa lang, kitang-kita ko na kung paano yung aming findings at recommendations ay dapat i-improve yung guidelines ng PPP Center para kapag may private-public partnership sa ilalim niya, halimbawa sa porma ng joint venture agreement na hindi nagde-deliver sa terms and conditions sa contract, ay pwede itong i-renegotiate para honest brokers at the table, yung parehong partners, hindi lang yung gobyerno pati yung private partner or yung concessionaire.
Gayun din, dun sa mga findings at recommendations ng COA reports, makakakuha pa tayo ng mga dapat ayusin sa mga JVA na ito, para hindi disadvantageous, hindi lang sa gobyerno, pero hindi disadvantageous sa ating mga kababayan, ng mga customer nitong mga private concessionaires.
Pati pala sa Bicol, partikular sa Camerines Norte, nang gagaling yung ganitong mga reklamo at sumbong na sana ay maisaayos ng aming imbestigasyon. And of course, yung LWUA at yung mga oversight bodies ay dapat pagpahusayin yung kanilang oversight talaga sa ngalan ng ating mga kababayan.
Q: Ma'am, ganito. Naka-break kayo ngayon. Ito pong inyong resolusyon. Ano ho ang sabi ng leadership? Meron ba kayong tentative schedule kung kailan po posibleng mangyari ang inyong hearing?
SRH: Wala pa pong tentative schedule o komento ng liderato ng Senado pero inaasahan ko po na pag-resume namin sa 2 ng Hunyo, ay maire-refer ito sa tamang komite. Hinihiling po ng resolution ko sa Committee on Public Services. At kapag iskinedule na po ng tagapangulo nito, ay sana agad magsimula yung inquiry. Dahil kainitan po ng tag-init ngayon. So talagang sumisigaw, nagsusumigaw ang ating mga kababayan ng tubig. Hindi lang itong patak-patak, palpak na serbisyo. Pero yung dapat na quality at quantity na water service, na binabayaran naman nila.
Q: Opo, Madam Senator, klaro ho naman dito po sa inyong resolusyon at sa inyong mga paliwanag na hindi naman dito nakafocus lamang sa PrimeWater ang inyong gagawing investigasyon. Klaro naman yan. Klarong-klaro. Ang aming po lamang, with all due respect, by the way kami po'y natawag sa PrimeWater at sumulat na kami sa kanila, inviting them to get their side on this issue. Pero ma'am, hindi naman po maitatanggi na ang dalawang senador, Senator Cynthia Villar at Mark Villar, ay pamilya na siya nagmamay-ari ng kumpanyang ito. Don't you find it awkward, ma'am, dito sa inyong resolusyon na ito na nais niyong investigahang kasama ang isang kumpanya na pag-aari po ng dalawang senador?
SRH: Well, honestly, mas magfi-feeling awkward ako kung hindi tugunan yung namumuo at dumadaming mga reklamo na nagiging sumbong na ng ating mga kababayan sa loob ng dumaraming taon. So hindi po ito usapin nino man sa aming nagtatrabaho sa Senado. Ito po ay usapin ng public good. Dahil yung public-private partnership ay ginagamit para magbuo ng mga joint venture agreement. In good faith, nananatiling customer yung ating mga kababayan para sa dekalidad at sapat at dapat tamang presyong tubig.
Kapag higit kalahating dekada na nagsa-suffer naman sila sa kabila ng mga ito at mukhang nagkukulang, hindi lang yung water concessionaires tulad ng PrimeWater, nagkukulang din yung ating mga oversight bodies tulad ng LWUA, I think mas awkward po kung hindi po maghain at duminig ng resolusyon ang Senado para i-deliver na ng mga water concessionaires na ito at ng oversight bodies ang deserved na servisyo ng ating mga kababayan. So doon po ako nagmumula.
Q: Okay. So salamat nga po ma'am. At kayo po ay naglakas ng loob na ito po ay inyong pasukin na issue kasi nga marami din po ang may agam-agam. Ako ay nagpapasintabi dito po sa mga negosyanteng senador dito po sa isyung ito kasi nga may mga tao na po na lubhang naapektuhan at nagpapahatid po ng kanilang reklamo.
Puntahan ko na itong isyu po nitong si David Tan Liao at itong si Mark Ong. Ma'am, ganto po, alam niyo po naman siguro ito nangyayari dito po sa kaso po ni ginoong Anson Que. Lumabas itong si Li Duan Wang, itong si Mark Ong, na kayo lang po natatangi on record ang tumutol dito. Pwede ba natin malaman saan ho ba nanggaling ang inyong impormasyon na kayo ay nag-raise ng red flag during the deliberation ng kanya pong batas granting him citizenship?
SRH: Nanggaling po yung impormasyong iyon, dun mismo sa mga huling pagdinig ng imbestigasyon namin laban sa POGOs. Ibig sabihin, dun pa lang sa POGO investigations, nung nakarang ilang mga taon, nagse-surface na yung pangalan niya, pangalan ng kanyang mga kumpanya, mga bulong-bulong pa lang. Kaya nagulat na lamang po ako nung nagsimula naman po yung aming pagdinig sa citizenship bill na para sa kanya yun. Kaya dun po tinuloy at mas kinumpleto namin sa staff ko yung research tungkol dito kay Li Duan Wang.
Q: And during that time, ma'am, alam niyo na po at naibulgar na po ninyo yung involvement nito dito po sa Nine Dynasty na kumpanya na ngayong nga po sinasabi mismo ng PNP, ginamit para po malabhan, mailusot yung ransom money na ibinayad nitong pamilya ng biktima.
SRH: Mismo. Tama kayo. Ang PNP mismo ang naglabas ng impormasyon na yung ransom money na iyon ay finunnel sa Nine Dynasty kung saan yung casino junket group na iyon, operator si Li Duan Wang.
At may mga nakita kaming koneksyon noon, nagsimula nung POGO investigations at lalong tumindi nung pagdinig ng citizenship bill kay Li Duan Wang na may koneksyon pa yang Ninth Dynasty, si Li Duan Wang mismo, sa isang malaking Pogo boss na si Duanren Wu, yung utak ng POGO sa Porac, Pampanga na talamak sa human trafficking. And nalaman din po namin noon na talagang incorporator si Li Duan Wang dun sa isang malaking Pogo service provider, yung New Oriental.
Kaya talagang kahinahinala yung si Li Duan Wang at yung Nine Dynasty. So, there's really a need to look into Nine Dynasty further. Sabi nga ng PNP, tila bahagi ito ng mga money laundering schemes. At hindi po ako magugulat kung sa patuloy nilang imbestigasyon ay makikita nilang isang malaking sindikato ito.
Q: Opo. So, ma'am, ito pong si David Tan Liao, na sinasabi nga mukhang ka-partner in crime nito pong si Mark Ong, a.k.a. Li Duan Wang.Meron din report ang PMP. Ito po kasi yung pangunahing suspect sa kidnapping nga po ni Anson Que. And dito po, sa record ng PNP, naka-dalawa ito palang attempt, yung PSA para ho doon sa kanyang pamemeke ng dokumento para maging Pilipino. And then, marami na siyang kaso na kinakaharap pala, kidnapping, et cetera. Pero naisuhan pa siya ng lisensya ng baril ng PNP. Yes ma'am, go ahead.
SRH: Well, yun, yung dalawang nabanggit nyo rin yung importanteng detalye, yung pamemeke ng birth certificate o ibang citizenship documents sa PSA at yung pag-i-issue ng license to carry or permit to carry para sa mga firearms sa mga kaduda-dudang or at least iniimbestigahang mga personalidad. Mukhang nako-connect the dots natin mula nung POGO investigations dahil yan din ay mga concerns na ni-raise noon sa PSA at sa PNP sa iba't ibang mga POGO personalities noon. Pati nga kung maalala ko kay Tony Yang na naaresto sa Cagayan de Oro. So similar modus sa iba't ibang mga criminal activities nitong mga organisasyon o grupo ng mga organisasyon na yun na nga sa kaso dito ni Li Duan Wang ay di ako magugulat kung madidiskubre ng PNP na bahagi talaga ng isang sindikato.
Q: So ma'am ano po ito? Nabanggit niyo kanina that you think na kinakailangan ng further investigation dito po sa Nine Dynasty Company na ito nitong si Mark Ong. Ano po yan ma'am? Will you file another resolution in the Senate? And paano kaya yun considering na bumoto sila ang higit sa mayorya para granting citizenship dito po sa taong ito na involved ngayon sa kaso ng money laundering and kidnapping?
SRH: Well, at least po, vineto ni Presidente yung citizenship bill at na-appreciate ko yun kahit nung araw na ginawa niya iyon. At doon sa ibang mga kailangan pang imbestigahan, may kumpiyansa ako na on the ball dyan ang Anti-Money Laundering Council, ang Philippine National Police.
Huwag naman sanang kailangan pang maghain ng isa pang resolusyon tungkol dito sa mga latest findings dahil mayaman na po yung findings at rekomendasyon sa POGO investigation at yung record ng deliberations dun sa citizenship bill ni Li Duan Wang. At dapat po ituloy na po ng mga investigating bodies, ng executive ito, and follow the leads wherever they may lead.
Q: Opo, opo. Ma'am, ito na lang po. Sarado na ho ba ang the curious case of Alice Guo?
SRH: Gusto kong sabihin sarado na yung curious case na yan. Pero diba hanggang ngayon hinihintay pa rin natin ang buong kwento, ang buong teorya ng Bureau of Immigration. At least kasi natapos na namin yung POGO investigation. Pero yung tanong na paano siya nakatakas in the first place papuntang Indonesia kung saan siya inaresto at ibinalik dito sa atin. So BI, iniintay pa po namin, ng buong sambayanang Pilipino ang inyong sagot dyan. Pero at least po, patuloy na nasa bilangguan si Guo Hua Ping at patuloy po siyang naga-undergo ng marami at dumaraming kaso sa ating mga korte.
Q: So meaning ma'am kayo po ay nagsarado na na inyong committee hearing, meron na bang committee report at doon na lang po hindi nga wala kayong concrete na impormasyon tungkol sa kung sino'ng tumulong dito at paano talaga nakalabas ng bansa si Alice Guo?
SRH: Sinusulat na po namin, fina-finalize ang committee report at niru-route sa mga kapwa kong senador. Yung tanong na lamang yun kung paano siya tumakas at talaga sino-sino ang tumulong sa kanya dahil imposibleng mga dayuhan lang ang nagpatakas sa kanya at siguradong may mga kababayan tayo, unfortunately, sa loob at sa labas ng gobyerno na dapat managot sa kanyang pagtakas noon.
Q: Sige po, Ma'am Senator, despite your very hectic schedule, salamat po na marami for finding time na maging panauhin po sa aming programa.
SRH: Salamat.
Q: Mabuhay, Ma'am, salamat po nang marami.Yan, Senador Risa Hontiveros. Ang nag-iisang tumutol, opo, sa panukala po na bigyan ng Filipino citizenship ang isang ngayon po ay suspect, kasama po sa mga umano'y tumulong para malabhan ang perang ipinambayad na ransom Sa isang kontrobersyal ngayon at malaking kidnapping case sa Pilipinas.
Salamat ng marami, Senator, for being there. Thank you in all fairness.

Distribution channels:
Legal Disclaimer:
EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.
Submit your press release